May 10, 2023 Wednesday 09:52am
Itatampok ng Komisyon sa Wikang Filipino ang serye ng webinar sa Buwan ng Pambansang Pamana 2023 ngayon buwan ng Mayo na may temang Pamana: Pagpapatuloy at Pagbabago (Heritage: Change and Continuity). Ang Pambansang Buwan ng Pamana (National Heritage Month) ay ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Mayo sa bisa ng Atas ng Pangulo Proklamasyon Blg. 439. Layunin ng pagdiriwang na magkaroon ang mga Pilipino ng kamalayan, paggalang, at pagmamahal sa mga pamanang kultural ng ating kasaysayan. Ang pagdiriwang ay binuksan sa pamamagitan ng isang lektura noong 3 Mayo na tinalakay ang tema ng Buwan ng Pambansang Pamana na ang naging tagapanayam ay isang iskolar at dalubhasa sa kultura na
si Dr. Felipe M. De Leon Jr. Tampok sa serye ng webinar ang mga iskolar at dalubhasa sa pamanang kultural mula sa iba’t ibang tanggapan at unibersidad. Ang unang webinar ay gaganapin sa 10 Mayo na may paksang “Pangangalaga sa Pamana sa Kalungsuran” na ang magiging tagapanayam ay si Dr. Ivan Anthony Henares ng Unibersidad ng Pilipinas, Asian Institute of Tourism. Ang ikalawang webinar ay nakaiskedyul sa 17 Mayo na may paksang “Patuluyang Pamamahala sa Pamana” na tatalakayin rin ni Dr. Henares. Ang ikatlong webinar ay nakatakda sa 24 Mayo 2023 na may paksang “Agham Pamana: Sistematikong Pagtuklas ng Pamana” na ang tagapagsalita ay si Ar. Benjamin C. Empleo, Museum Curator II, Architectural, Arts, And Built Heritage Division, National Museum.
Ang ikaapat na webinar ay gaganapin sa 31 Mayo na may paksang “Di-Materyal na Pamanang Kultura: Mulang Ninuno Tungo sa Makabagong Henerasyon” na tatalakayin ni Dr. Mary Jane Louise A. Bolunia, Curator II , Archaeology Division, National Museum. Ang serye ng webinar ay live na mapapanood sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino sa iskedyul mula 10:00 nu hanggang 12:00 nt. Sa mga nagnanais na dumalo sa serye ng webinar via zoom ay maaaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Edukasyon at Networking sa telepono bílang 85473188 o magpadala ng email sa komfil@kwf.gov.ph para sa mga tanong at paglilinaw. Ang mga dadalo sa nabanggit na webinar ay makatatanggap ng e-sertipiko mula sa KWF.