PVN Point Viewer Publishing

BENEPISYO NG ‘MARIJUANA’ BILANG GAMOT KINILALA NG MGA MAMBABATAS

September 14, 2023 Thursday 08:40am

       

INAASAHANG bago matapos ang taon ay maisabatas na ang mga panukala na naglalayong gawing legal ang paggamit sa medical cannabis o marijuana bilang gamot. Oras na maisabatas ito, ang anumang resulta ng medical studies at pagsasaliksik ukol sa medical cannabis sa buong mundo ay tatanggapin ng Pilipinas lalo na’t ang mayorya ng mga mambabatas ay kumbinsido na sa pagkaepektibo ng halaman para panggamot. Isa pa sa maraming benepisyo nito ay ang pagpalakas sa sex at pagpapagaling sa sexual dysfunction o karamdaman sa sex. Ang bagay na ito ay iniulat ni Dr. Richard Nixon Gomez sa lingguhang Media Health Forum ng Bauertek Corporation,

kung saan general manager ang imbentor at scientist. Kabilang sa guest panelists ay sina Zarah Uytingban Cruz at Dr. Gem Mutia, adult medicine specialist founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine. Si Cruz na naka-base sa Sacramento, California ay babalik na sa Pilipinas upang tumulong sa pagsulong na gawing legal ang marijuana bilang gamot sa maraming karamdaman. Dati siyang program specialist mula sa Office of Cannabis Management sa Sacramento at eksperto siya sa policy development at licensing regulations mula 2017. Mahigit sa 20 taon ang karanasan nito sa state of California at local government. Naging resource person din ito sa Senado at Kongreso, hingginl sa usaping medical cannabis. Ayon kay Mutia, hindi na isyu sa ngayon kung nakakagamot ang marijuana o hindi dahil mismong si Health secretary Dr. Ted Herbosa ang naniniiwala rito. “Marami ng nakakita ng ebidensiya na talagang nakakagamot ang cannabis and the seven bills on medicalization,” ayon sa doktor. Ito ay maliban pa sa panukalang-batas na humihiling na alisin sa talaan ng dangerous drugs ang cannabis. May dalawa pang panukala ang naglalayong magtayo o bumuo ng Philippines Cannabis Development Authority o PHILCADA na siyang mamahala sa pagkontrol sa pagpatakbo ng cannabis kung ito’y gamot na. Isang abogado, si Atty. Henry Enaje ang nagsampa naman ng petisyon sa Dangerous Drugs Board (DDB) na kilalanin ang “reclassification” na ginawa ng United Nations na “ibaba” ang kategorya ng cannabis, cannabis resin at alisin ang CBD o cannabidiol bilang dangerous drug. Napag-usapan din sa forum na ang alcohol at tabako o sigarilyo ay higit na malala ang naidudulot nito sa katawan kaysa cannabis. Sinasabi ni Mutia na ang tobacco industry ay isa ng “dying industry.” Ayon kay Gomez, sa loob ng 120 araw matapos maisabatas ang legalisasyon ng marijuana bilang gamot, lahat ay tatanggapin ang resulta ng research at pag-aaral sa cannabis sa buong mundo.(Nelson Santos-PAPI)