PVN Point Viewer Publishing

DILG PINAIIMBESTIGAHAN ANG UMANO’Y PANGGIGIPIT SA KAANAK NG ONION FARMER

January 22, 2023 Sunday 09:09pm

       

Pinaiimbestigahan at pinagsusumite ng report ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. sa DILG Region 1 at provincial office ng DILG sa Pangasinan ang sinasabing pakikipag-ugnayan at panggigipit umano ng Bayambang Municipal Police Station sa isang saksi sa Senate hearing patungkol sa isyu ng mga magsasaka ng sibuyas. Ang Philippine National Police (PNP) naman sa pamamagitan ni PNP Chief Rodolfo Azurin, Jr. ay gumagawa rin ng sarili nilang pagsisiyasat sa insidente. Sa pagsasagawa nila ng imbestigasyon, pinaalalahanan sila ni Abalos na sundin ang rule of law at ang mga established protocols upang maiwasan ang pagdulot ng anumang pangamba sa mga residente.

Sinabi niyang agad na magbibigay ng update ang DILG sa resulta ng isasagawang imbestigasyon kay Senator Imee Marcos at sa publiko upang mabigyang-linaw ang insidenteng ito. “Mataas ang respeto namin sa mga magsasaka dahil mahalaga ang papel na ginagampanan nila sa seguridad ng pagkain at maayos na nutrisyon ng ating bansa. Kaya asahan ninyo na kaisa ninyo ang DILG sa adhikain ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa sektor ng agrikultura, kasama na ang pagtutok sa mga programang ikauunlad at aalalay sa mga magsasaka,” aniya.