PVN Point Viewer Publishing

P5 PROJECT NUMBER 5 ARTICLE NUMBER 1

March 13, 2023 Monday 01:44pm

       

Alam mo ba na ang morphine, isang gamot na pinagbabawal sa maraming lugar, ay pinapayagang gamitin para sa mga taong may malubhang karamdaman? Ang gamot na ito ay isang painkiller na nirereseta para sa mga pasyenteng naaksidente, may cancer na nakararanas ng matinding sakit sa katawan, at mga na-stroke o inatake sa puso. Ang paggamit ng morphine ay mahigpit na binabantayan upang maiwasan ang ibang epekto, katulad ng adiksyon. Sa parehong paraan, may mga naglalayong maisabatas ang paggamit ng medical cannabis, o marijuana. Ayon sa kanila, panahon na para sa paggamit ng mga benepisyo nito bilang panggamot sa mga karamdamang tulad ng cancer, depression, epilepysy, Parkinson’s disease, at iba pa. Iba’t-ibang clinical trials ang nagpapatunay na ang maliit na sangkap ng halamang ito na nagdudulot ng “high effect” ay maaaring makontrol upang masigurado na ang

kapakipakinabang lamang sa medisina ang magamit. Sa ngayon, mayroon nang ilang isinusulong na batas para sa paggamit ng medical marijuana na ipinasa mula sa senado at kongreso, sa opisina ni Senator Robinhood Padilla, Congressman Antonio “Tonypet” Albano, at Congressman Pantaleon Alvarez. Sa bersyon na ipinasa ni Congressman Alvarez, nakasaad ang pagtanggal sa marijuana sa mga ipinagbabawal na sangkap sa ilalim ng Dangerous Drugs and Substances under the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), habang sa bersyon ni Congressman Albano, nakasaad ang medical use ng cannabis. Ang Padilla Bill ay mas komprehensibo at nagsasaad ng importansya hindi lamang sa medical use ng cannabis, maging sa tamang implementasyon ng paggamit nito. May ilang tumututol pa rin na maisabatas ang mga nabanggit na bills, sa kadahilanang may kahinaan ang gobyerno ng Pilipinas sa implementasyon ng mga batas. May pangamba na maabuso ang magandang hangarin ng batas na ito at ipakalat upang maggamit sa iba pang bagay. Ngunit, kung maging lamang ang magandang benepisyo nito kompara sa panganib at masigurado ang tamang paggamit, pagpapatunay lamang mas dapat bigyang-katwiran ang panukalang batas.

Upang maging bukas ang isipan ng publiko sa mga benepisyo ng marijuana, kailangan ng mga mahahalagang puntos na makapagpapaintindi sa tamang paggamit nito. Una, ang paggamit lamang ng marijuana para sa medisina ang dapat isulong at hindi ang paggamit nito bilang isang libangan. Pangalawa, ang pagtatanim ng cannabis ay sasailalim sa mahigpit na regulasyon, na piling plantasyon lamang sa bansa ang papayagan. Pangatlo, ang implementasyon para sa maingat na paggamit upang maiwasan ang adiksyon. Sa naging panayam mula sa isang segment ng AgriNegosyo kay Scientist/Inventor Richard Nixon Gomez ng Bauertek Corp. noong Pebrero 27, naibigay ang mga importanteng puntos para sa konsiderasyon patungkol sa pagsulong ng medical cannabis. Kailangang bigyang-diin na ang pagsusulong ng paggamit ng cannabis ay para sa medisina at hindi sa iba pang bagay, lalo na bilang libangan. Kahit pa maisabatas na ang medical cannabis, magiging ilegal pa rin ang ibang paggamit nito, tulad ng paghithit nito. Hindi ang paggamit ng cannabis sa pang-araw-araw ang layuning maisulong, kundi para sa kapakanan ng mga taong dumaranas ng malubhang karamdaman, na nasa puntong halos ikamatay na ang sakit na nararamdaman. Pinag-uusapan dito ang paggamit ng medical cannabis, kahalintulad kung paano gamitin ang iba pang kinukonsiderang dangerous drugs upang maibsan ang matinding sakit dulot ng kanilang karamdaman, na ayon sa kanilang pangangailangan.

Kaugnay sa posibilidad na maging laganap ang pagtatanim ng cannabis, katulad sa kanya-kanyang bakuran ay tinuturing na ilegal. Ang mga plantasyon lamang na lisensyado ng gobyerno ang maaaring magtanim at gumawa ng medical cannabis. Walang sinoman ang papayagang magkaroon ng personal na taniman, kahit pa iilang patubo lamang. Ang mahuhuling gagawa nito ay sasailalim pa rin sa kasong possession of dangerous drugs and substances. Ang pinakaimportante sa lahat, ang cannabis ay daraan sa masusing proseso. Ang THC o ang component ng cannabis na nagdudulot ng “high effect” ay kontrolado, babawasan, o tuluyang aalisin, habang ang CBD o ang component na nagdudulot ng “medical relief” ay gagawin bilang pills, tablet, oil, at iba pa. Kahit pa ito ay naibebenta na sa drugstore, ang pagbili ay hindi basta pwede sa kahit na sino. Ang medical cannabis, tulad ng morphine at iba pang dangerous drug ay maaari lamang ireseta nag lisensyadong doktor. Ang S2 license na doktor ay ang pinapayagan ng PDEA para sa pagkontrol at paggamit nito para sa mga pasyenteng lubhang nangangailangan ng painkillers; tulad ng mga naaksidente, stroke patient, at cancer patient na nakararanas ng matinding sakit. Isipin na lang kung gaano kahirap makakuha ng resita ng antibiotics mula sa doktor, paano pa kung mula sa S2 licensed doctor?

Kaugnayan sa tamang paggamit at pagbili, ang pasyente ay magkakaroon ng QR code bilang katibayan na sila lamang ang pinapayagang bumili ng mga produkto o gamot na gawa sa cannabis sa mga botika o drugstore. Ang code na ito ay daraan sa database ng PDEA, at malalaman din kung sinong S2 license na doktor ang nagreseta ng gamot. Sa mga susunod pang artikulo, pag-uusapan ang ilan pang mahahalagang bagay patungkol sa tamang paggamit ng cannabis. Maging buksan ang ating isipan sa marami pang posibilidad at benepisyo ng medical cannabis, na noong sinaunang panahon ay ginagamit nang panggamot sa iba’t ibang sakit at karamdaman.